minsan ako'y nangarap
ng tala o bituin
at sa aking pagsilip
pinipilit abutin
saang mang dako umabot
walang masungkit
at parang nagsasabing
ako lamang ay pasakit
sa dako paroon ako'y sumilay
natatanging ningning ang natanaw
ramdam ang tila tanglaw nitong liyab
at dali-dali puso'y napukaw
aking binitbit ang isang sisidlan
dala lamang ay kaunti
nagsimula ng malakbay
upang marating ang minimithi
bawat kalsada na tahakin
minsa'y tuwid
madalas bako-bako
ngunit diresto ang tingin sa himpapawid
hanggang sa ako'y nahulog
sa isang banging malalim
lahat ng pag-asa'y nawala
lahat ng tuwa ay naglilim
ang aking pagkalugmok
ay unti-unting naibsan
ng galing sa kung saan
dumating ang kaligtasan
sabi mo lamang ay magtiwala
hawakan ang iyong kamay
kahit ako'y nagduda
tinanggap pa rin ang pakikiramay
dahan-dahan kong sinundan
ang iyong malambot na kalinga
at sa bawat hakbang
nabuo na ang tiwala
at sa dulo ng pagkabigo
biglang bumulaga
ang di inaasahang akay
mula pala sa talang tangi ang halaga
No comments:
Post a Comment