Saturday, March 31, 2012

sa aking pag-awit

sa aking pag-awit
Ika'y pinupuri
sa bawa salita
Ikaw ang sanhi

ako'y gamitin mo
upang Ika'y mapalago
at maibahagi sa iba
na taong mahal Mo

totoo nga't Ikaw din ang nagbigay
ng talentong taglay
kaya tama lang ialay
ang pagsamong tunay

hinde para sa akin ang entablado
pagkat ako lamang ay instrumento
ng Iyong pagmamahal
sa madlang iniligtas mo

o tunay ngang dakila
ang pagsilbi sa yo
at di magsasawa
na maglingkod ako

Friday, March 30, 2012

lipad

minsan ako'y naupo
tumingala at nakita ang mga ulap
parang...

biglang gusto ko lumipad na lang

sulungin ko ang lahat ng isla
liparin ko ang mga gubat
lumutang sa ibabaw ng karagatan

hay kay sarap lumipad

ito'y ay tulad ng isang batang nangangarap
walang ibang iniisip kundi ang kasiyahan
katuwaan
at gaan ng loob
ng dahilang wala namang paki sa problema
ng mundong ibabaw

kay sarap lumipad

kaya ako'y tumayo
naligo
dahil kailangan ko ng harapin ang totoo

mahuhuli na ko sa trabaho
at kailangan kong lumipad :)

Thursday, March 29, 2012

aamin ba o hinde?

matagal na akong may pagtingin sa yo
para kang makulit na bata
patuloy na naglalaro sa isip ko

minsan nakakapagod
minsan nakakatuwa
minsan nakakabaliw
minsan nakakalungkot

ngunit gaano man kita kagusto
ako'y patuloy lamang na naghihintay
sa panahong itinakda Niya
pagkta ganun ka kahalaga sa kin

sobra man ang paghihirap
at luha ng pagaabang
ako'y patuloy na lumalaban
nagpapakatatag
hangga'ng dumating ang tamang panahon

na ako'y aamin
ng aking damdamin...

sana'y ika'y ganun din...

Thursday, March 22, 2012

malalim

nalugmok ako sa balong malalim
tila wala ng pag-asa ng pag-ahon

araw-araw sumisigaw
umiiyak
nagmamakaawa

naghahanap ng mga kasagutan sa mga tanong
na walang taong nakapagbigay ng sagot

karamihan ang tugon ay
ewan
hinde alam
o di kaya'y naghuhula na lamang

masakit malamang nag-iisa ka lang
walang masandalan
o matakbuhan

nasa dilim na akong muli
ni hindi ko maaaninag ang sarili kong mukha
ito ba'y buo pa
o sugat-sugat na
madami na akong galos na natamo
sa mga labang pinagdaanan ko

gusto ko ng lumaya
lumipad palayo
iwanan ang lahat

at dahan-dahan kong naramdaman
ang kaluskos sa bukasan

unti-unti nitong nilalapit ang sarili
patungo sa aking kinatatayuan
ako'y natakot

ito ba ay kalaban
o tagapagligtas

hinde ku maitungo ang aking ulo...
nakiramdam na lamang ako...

mabagal
maingat
ngunit siguradong meron

pagsayad nito sa akin

dun ku lang naramdaman

Siya ang aking tagapag-ligtas
ang tanging daan...

Tuesday, March 20, 2012

hirap

sa bawat patak ng pawis
na iyong igugugol
sa iyong trabahong
lagi mong pinupukol
may katumbas na saya
para sa pamilyang tinataguyod

sa bawat sinulid ng oras
na lumilipas
sa iyong pagsisilbi
sa taong-bayan
may katumbas na pag-ahon
para sa masang lumulubog

sa bawat patak ng dugo
na inaalay mo
sa iyong pagtatanggol
para sa inaapi
may katumbas na buhay
at pag-asa sa nakararami

at...

sa bawat tibok at luha
na pinararamdam mo
sa taong mahal mo
habang ika'y naghihintay
may katumbas na ngiti
kapag siya'y sumasaya

Sunday, March 18, 2012

malapit na

sa dulo ng panahon
darating din

antagal kong nahintay

muntikan ng bumigay
sa dami ng luha
at pighating nagdaan

sana nga'y ito's sulit
pagkat lahat ng panahong ginugol
ay di na maibabalik

puno ng sakit
at dalamhati
ngunit madami ding saya
at ngiti
kaya aking pinagdarasal

na sa huli
ika'y andyan pa rin

Wednesday, March 14, 2012

eh kung?

eh kung...

wala na lang kayang TV?
at telepono
at cellphone
at PS3
at Facebook?

kaya mo ba?

siguro kung tanggalin na rin ang
DOTA
SF
DN
AC?

titino ka ba?

at isama na natin ang
Internet
kuryente
tubig
pagkain

me magbabago ba?

sa totoo lang...
wala naman sa kanila ang problema

sa yo lang

kaya iwan mo na yang mga yan
at ayusin mo na ang sarili mo
dahil ang buhay hinde maghihintay sa yo

Tuesday, March 13, 2012

saglit

sandali lang
saglit lang
wag ka muna umalis

pwede ba
kahit na
ika'y nagmamadali

hihiram sana
ng karampot
na ngiti

dahil matagal
na nagtitiis
ang puso

makitang muli
ang iyong
ngiti

at marinig muli
ang makulit
mong tawa

ngunit ika'y umalis na...

Monday, March 12, 2012

paglaya ng diwa

bawat salitang iyong binibitawan
may isang taong ito ang pinanghahawakan
kaya ingatan ang nababanggit
pagkat ito'y pwedeng makasakit

dulot nito sa bawat saliw ng musika
aking pinaiindak ang mga paa
upang hinde masayang ang nadarama
hangga't ito'y nasa tama

madami ang pipi at bingi sa katotohanan
pawang hinahayaang sila'y pagtawanan
habang ang mundo'y naghihintay
ng kanilang ituturo tungkol sa buhay

wag matakot isulat ang kaisipan
kalayaan nito'y di mapapalitan
o kaya'y sa awit, sayaw o anu pa man
paliparin ang katotohan at damdaming kailanman

Sunday, March 11, 2012

ganda

ang pagdaloy ng kanyang buhok
ay tila ilog na walang katapusan
bawat sandali ng ngiti
ni minsa'y di pagsasawaan
kahit sa panahon ng pighati
siya'y lumalaban
hinaharap ang buhay
ng buong tapang at tapatan
ang kanyang tawang baliw
musika sa aking tenga
nababasag ang puso
sa bawat hikbi at luha
pagdaldal at pagkwento niya'y
lagi kong inaabangan
pagkat wala akong nais
kundi makilala siyang tuluyan

ako'y naghihintay pa rin
sa tamang panahon
na aking masasabi
ang damdaming yaon
at kahit puso'y nasasaktan
nagtitiis sa habang panahon
alam kong sa huli
may pagibig na aahon

Saturday, March 10, 2012

paglingon sa nakaraan

tunay nga't di mu maiiwan
ang pagkakabit sa iyong nakalipas
datapwat iyo na lang pagtuunan
ang darating na kinabukasan

sa totoo nga lang hinde pa nga
dahil ang ngayon ay mas mahalaga
ito'y sanhi ng katotohanang
ang sigurado'y sa kasalukuyan

kaya dapat nating tandaan
na bawat sandali'y mahalaga
matutunan ang aral noon
at huwag na itong pag-aksayahan

di mapagkakaila na may sakit itong dulot
mga damdamin at oras
mga saya at poot
at sa lagi ito'y sumisipot

ngunit ang buhay ay patuloy na iikot
ang panahon ay hinde hihinto
kaya't pulutin mo ang sarili
at ang ngayon ay ipaglaban mo

pagkat ang tibok ng mundo
ay di mu alam kung kailan uudlot
mahalin mo ang mayroon ka
upang ang lahat ng mahalaga ay iyong mabalot

Thursday, March 8, 2012

inaasam

sa bawat araw
gabi
segundo
minuto

inaasam kang makita
makausap
makatawanan
makausap

at ang lahat ng saglit
bumabagal
bumibilis
gumaganda
lumiliwanag

at lagi lamang kitang
inaasam makasama muli
:)

Wednesday, March 7, 2012

trabaho

o kay hirap maghanap ng trabaho

saan mang dako ng mundo
o isla o pulo
di mu basta-basta makikita
ang trabahong para sa iyo

at kung sa tuwina'y nababahala
sa trabahong bahay na tuwina
paano ang pangtustos
sa pagkaing nakahain?

trabaho pa rin ang maghanap nito
pagkat takbo rito, takbo roon
buhay na ito'y sadyang malupit
baka sa patalim ako na'y kumapit

at sa bawat kalyo ng paa
na gawa ng paghahanap
upang makita lamang ang trabahong
tunay na magpapala

ngayo'y alam mo na
ang kahalagahan ng trabaho
dahil dito nagagawa mo
ang lahat ng kailangan o gusto mo

Monday, March 5, 2012

paglipas ng panahon

tayo'y tatanda din
kahit anung gawin
atin ding haharapin
ang Lumikha sa tin

at habang wala pa
ang takdang araw
tuloy-tuloy nating gampanan
ang paglingko sa sambayanan

na maipamahagi
ang Kanyang salita
at ipamalas
ang Kanyang kaligtasan

at sa ating pagharap
sa trono ng paghusga
di na natin ikakaba
kung ginawa mo ay tama

Sunday, March 4, 2012

martir

isa kang martir!

bakit?

dahil kelangan kong tiising
hinde ka mahalin
kahit yun ang totoo

dahil mas pinili kong ako na lang
ang masaktan
kaysa ikaw

hinde ka karapat-dapat masaktan
para lang sa akin
ang gusto ko lang
ay ang maging masaya ka

kaya kahit sa dagok ng dilim
o sakit ng patalim
aking tatanggapin

dahil mahal kita

Thursday, March 1, 2012

ang lupa

sa bawat pawis na tumatagatak
sa bawat dugo na iyong pinapadaloy
sa bawat unat na iyong hinahatak

para sa bawat butil ng palay
na isang araw ay bubuhay

sa mga taong umaasa dito
saludo ako sa yo

tuluyan na nga bang ito'y mawawala
ngayong sa panahong lahat ay naghihirap

lumuluwas
umaalis
walang nananatili

tulad ng sa iyong mga supling
na yaring kinabukasan ay mahalaga
nais mo bang danasin nila
ang hirap yaong iyong dinaranas?

paano na?
titigil ka na ba?

ngunit ika'y nagpatuloy
yumuko at umupo
sa putik at hirap

ng bawat sandali
na iyong pinili
upang manatili
sa lupang sarili

at ang bawat sukat nito
ay iaalay mo lamang
sa bansang walang pakialam
sa iyo